HINDI lahat ng maamong mukha karapat-dapat pagkatiwalaan. Marami sa kanila, bulaan. Meron din naman ginagamit ang kagandahan sa kawalangyaan. Yung iba, nagsusulong ng patas na karapatan sa mga kalalakihan.
May mangilan-ngilan, mas pipiliin na lang maging matandang dalaga kesa pagsawaan at iwanan.
Sa kaso ni former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Col. Royina Garma (ret.), hindi siya kagandahan pero pagdating sa abilidad pihadong liyamadista. Dangan naman kasi, marunong siyang pumili at kumiliti sa kahinaan ng matandang Duterte.
Sa madaling salita, isa siyang katangi-tangi. Katunayan, sa kanya mismo ipinagkatiwala ang sensitibong bahagi ng giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon – ang mga operasyon kontra high-profile drug personalities.
Ang masaklap, pati mga walang kinalaman sa lintek na kalakalan ng droga, idinamay pa niya, batay sa mga sinumpaang salaysay ng mga testigong lumutang sa Kamara.
Anila, si Garma ang nag-utos at nagbayad para paslangin si PCSO Board Secretary Wesley Barayuga sa noong buwan ng Hulyo 2020 sa lungsod ng Mandaluyong malapit sa tanggapan ng PCSO na pinamumunuan ni Garma.
Sa pagdinig ng 7th Quad Comm noong Setyembre 27, isiniwalat ni Police Lieutenant Colonel Santie Mendoza ang pagtawag sa telepono ni Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo na nagbigay direktiba para itumba si Barayuga alinsunod di umano sa utos ni Garma.
Ang dahilan – sangkot daw sa kalakalan ng ilegal na droga.
Pero sa aking pagsasaliksik, tila iba ang lumalabas na kwento tungkol kay Barayuga. Walang alam sa droga ang retiradong heneral. Pero sa katiwalian sa PCSO, marami siyang nais ilantad.
Sa madaling salita, hindi droga kundi ang planong isapubliko ang natuklasang korapsyon sa PCSO ang motibo sa pagpatay kay Barayuga.
Bagamat labag sa kalooban, napilitan si Mendoza sundin ang utos na pinadaan ni Garma kay Leonardo – ang tanggapin ang tinaguriang “special project” na magbibigay linaw sa kanyang tadhana sa karera sa pambansang pulisya.
“Sa kabila ng aking pag-aalinlangan, ako ay napilitan na lang na sumang-ayon at sumunod,” wika ni Mendoza na kumbinsido sa impluwensya ni Garma na una nang nadawit sa likod ng pagpatay sa tatlong Chinese nationals na nakapiit sa Davao Prison and Penal Farm dahil sa pagtutulak ng droga, bago pa man siya hinirang sa PCSO.
Dagdag patunay rin ang pagpapahiram ni Garma ng sasakyan kay Barayuga. Aniya, mismong sasakyan ang inabangan ng salarin batay sa paglalarawan sa taong dapat umanong itumba.
Sa isang banda, kahanga-hanga ang isang salita ni Garma. Matapos isagawa ang pagpatay kay Barayuga, ang pangakong kabayaran tinupad niya – P300,000. But wait, there’s more… may bonus pa pala! Susmaryosep, ang parang window transaction lang sa munisipyo ang usapang pera palit tumba sa tao.
Kung ako ang tatanungin, tunay na katangi-tangi mag-isip si Garma. Napakahusay!
Kung hindi pa sa imbestigasyon ng quad comm, malamang tuluyang mabalewala ang panaghoy ng hustisya ng pamilya ni Barayuga.
Pero hindi dapat matapos kay Garma ang imbestigasyon ng Kamara.
Dapat matukoy rin ng quad comm kung sino ang nagbigay ng basbas kay Garma – si loverboy 1 ba o si loverboy 2?
Karagdagang Balita
ELEKSYON SA TATE: MAY MAPAPALA BA SI JUAN?
PABIBONG KALBO PINAHAMAK LANG ANG DATING PANGULO
TAPOS NA ANG BOKSING