
YAMAN din lang tapos na ang mainit na bakbakang kalakip ng halalan, inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paratang ng mga katunggali sa pulitika – ang hindi pagtatapos sa kinuhang special diploma course sa University of Asia and the Pacific (UA&P).
Sa kanyang talumpati matapos lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), hayagang sinabi ng Pangulo na hindi niya talaga natapos ang kursong economic sa naturang pamantasan.
Kabilang rin sa mga lumagda si NGCP President at Chief Executive Officer Anthony Almeda na aniya’y kaklase niya sa nabanggit na unibersidad.
“I thank, of course, Anthony.. Anthony is known to me because we were classmates together. We were studying economics actually, Asia Pacific… pareho kaming hindi nagtapos. But I know him well and I’m happy that he has taken the lead in this,” sambit ng punong ehekutibo.
Usap-usapan ilang buwan bago idaos ang May 2022 presidential election ang educational credentials na itinala ni Marcos sa kanyang isinumiteng profile sa Senado at maging sa Certificate of Candidacy (COC) para sa posisyon ng Pangulo.
Sa rekord ng Senado, pasok din profile ng ngayo’y Pangulong Marcos ang Special Diploma sa Social Studies mula Oxford University sa England mula 1975 hanggang 1978 at Master of Business Administration mula sa Wharton School of Business noong 1979.