BILANG tugon sa isinusulong na mas masiglang agrikultura, naglaan ng hindi bababa sa P43 bilyon ang Department of Budget and management (DBM) para ipantustos sa pagtataguyod ng kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka sa mga kanayunan.
Sa kalatas ng kagawaran, kabilang sa mga pinaglaanan ng pondo batay sa 2023 General Appropriations Act (GAA) ang Department of Agriculture (DA), National Rice Program, National Corn Program, National Livestock Program, National High-Value Crops Development Program, Promotion and Development of Organic Agriculture Program, at National Urban and Peri-Urban Agriculture Program.
Ayon sa DBM, layon ng mga nasabing programa tugunan ang hamon para sa sapat at abot-kayang pagkain, kahirapan, at makamit ang tinawag nilang ‘sustainable growth’ sa kita at produksyon ng sektor ng agrikultura.
“Paulit-ulit na binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agrikultura ay mananatiling top concern at priority ng kanyang administrasyon. Pangunahin sa ating 8-Point Socioeconomic Agenda ang food security at agricultural output. Kaya naman, sinisiguro natin na makatatanggap ng kaukulang suporta ang pagpapaigting sa mga mahahalagang programa na layong pataasin ang farm income at productivity,” pahayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Tumataginting na P30 bilyon ang alokasyon para sa National Rice Program – doble kumpara sa P15.78 na inilaan noong nakaraang taon.
Nasa P5.02 bilyon naman ang ibibigay sa National Corn Program na naglalayong paigtingin ang produksyon ng mais at cassava bilang pagkain ng tao, hayop at maging para sa kailangan ng mga industriya.
Ang National Livestock Program, kung saan pinabibilis ang pag-unlad ng sektor ng manukan at kabuuang livestock sector sa pamamagitan ng pagpapalakas ng produksyon at stakeholders’ profitability, ay binigyan ng P4.5 bilyon.
Kabuuang P1.80 bilyon naman ang inilaan para sa National High-Value Crops Development Program na inatasang itaas ang antas ng produksyon, proseso, pagbebenta at distribusyon high-value crops.
Samantala, P900 milyon ang inilaan para sa Promotion and Development of Organic Agriculture Program na nagsusulong naman organic agriculture sa Pilipinas.
Meron din P318.47 milyon ang National Urban and Peri-Urban Agriculture Program na magsusulong ng urban at peri-urban agriculture at iba pang umuusbong na agriculture practices sa pamamagitan ng Plant, Plant, Plant program.