INALMAHAN ng grupong Power for People Coalition (P4P) ang ikinasang dagdag sa buwanang singil ng Meralco sa mga negosyo at kabahayan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Panawagan ng P4P sa administrasyon, dinggin ang kanilang giit na proteksyon laban sa mga hindi makatarungan singil na pinapasa lang sa mga ordinaryong Pilipino..
Ayon sa grupo, madadagdagan ng P109 ang singil sa isang pamilya na kumokonsumo ng 200 kWh ngayong buwan dahil sa P0.62 per kWH na itinaas ng singil ng Meralco dahil sa dalawang linggong maintenance shutdown ng Malampaya. Habang pinagpaliban naman ng Meralco ang paniningil sa karagdagang 1.1 bilyong piso sa mga buwan ng Abril at Mayo.
“Sa susunod na tatlong buwan, magkakandarapa na naman ang mga konsyumer sa paghahanap ng paraan para may ipambayad sa Meralco dahil sa maintenance na wala namang kinalaman sa amin at hindi namin kontrolado,” ani Gerry Arances, lider ng P4P.
Sinusuplayan ng Malampaya ang tatlo sa pinakamalaking planta ng kuryente, Sta. Rita power station, San Lorenzo power station at San Gabriel power station.
Kapansin-pansin na pati ang dalawa pang plantang sinusuplayan ang Meralco, ang Quezon Power Philippines at San Buenaventura, na kapwa gumagamit ng uling (coal) bilang panggatong ay nagtaas ng singil mula P11.8132/kWh tungo sa P18.0212 at mula sa P9.2769/kWh tungo sa P16.6908 noong Pebrero.
“Hindi maaring magpatuloy ang pagtrato sa mga konsumer ng kuryente na parang tagasalba nila sa kanilang pagmamatigas na gumamit ng mas mahal na panggatong. Ito mismo ang dahilan sa aming patuloy na panawagan sa mga opisyal sa sektor ng enerhiya na protektahan kami sa pinapasang gastusin, pangunahin na dyan ang pagpipirmis ng singil sa lahat ng mga kontrata gamit ang straight energy pricing,” sabi ni Arances.
Matatandaang nagtagumpay ang P4P sa pagpapahinto sa dalawang subsidiary ng San Miguel Corporation (SMC) na magtaas ng singil ng kuryente. Nanawagan ang P4P na respetuhin ang kontrata nito sa Meralco. Ngunit sa pangagalampag ng SMC sa Court of Appeals, pansamantalang nahinto ang isa sa dalawang kontrata na nakadagdag sa mas mataas na singil sa kuryente.
“Mula 5.7% noong Nobyembre, umabot na sa 15.9% ng kuryente ng Meralco ay nagmula highly volatile na spot market. Hindi ito mangyayari kung kinilala lamang ng SMC ang sarili nitong kontrata,” aniya pa.
“Ang mga kumpanya gaya ng SMC at Meralco at pati ng mga opisyal ng gobyerno ay may kumon na obligasyon: siguraduhin ang pinakamurang kuryente para sa mga consumer. Taliwas dito ang pagpasa ng bilyon-bilyong dagdag singilin,” dagdag pa ng lider ng consumer group.