
BINIGYANG pagkilala ni Speaker Martin Romualdez ang hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglaan ng P1 bilyon para sa pagtatayo ng mga Child Development Center (CDCs) sa 328 pobreng lokalidad.
Para kay Romualdez, patunay ng malasakit ng administrasyon sa kabataan ang ipinamalas ng administrasyon sa susunod na henerasyon.
“This is the kind of leadership that brings real hope to Filipino families—simple, direct, and focused on results. Malinaw po ang mensahe ng ating Pangulo: walang batang Pilipino ang dapat maiwan,” wika ni Romualdez.
Nabatid na ang pondo na ilalaan ay mula sa Local Government Support Fund sa ilalim ng 2025 national budget, na layong padaliin ang access sa maagang pangangalaga at pag-unlad ng mga bata, lalo na sa mga komunidad na mahihirap at walang sapat na pasilidad upang suportahan ang mga pinakabatang mag-aaral.
Pagtitiyak ni Romualdez, suportado ng Kamara ang agenda ni Marcos sa larangan ng edukasyon, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM), Department of Education (DepEd), at EDCOM II upang matiyak na ang kinakailangang pondo ay naisama sa budget.
“Wala po tayong ibang layunin kundi tumulong sa Pangulo. Kung saan may pangangailangan, doon natin nilalagay ang pondo. Kung ang problema ay kulang sa pasilidad para sa mga batang edad 0 to 4, ’yan ang tinugunan natin,” paliwanag ng pinuno ng Kamara.
Dagdag ng House Speaker, nauunawaan ng Kamara ang pangmatagalang epekto ng pamumuhunan sa mga unang taon ng buhay, kung saan ipinapakita ng mga pag-aaral na mas mataas ang posibilidad ng mga bata na magpatuloy sa pag-aaral, matututo ng mas mabuti, at magtagumpay sa hinaharap kapag sila ay nabigyan ng tamang suporta sa maagang edukasyon.
“Hindi pwedeng puro senior high school lang o college scholarships ang tutukan. Kailangan din simulan sa pinaka-ugat—sa murang edad. Dito po nagsisimula ang tunay na pagbabago,” saad din niya.
“Marami pa tayong kailangan ayusin sa ating sistema ng edukasyon, pero ito na ang simula ng mas malawakang reporma. At habang pinangungunahan ito ng ating Pangulo, makakaasa siyang ang Mababang Kapulungan ay katuwang niya sa bawat hakbang,” dugtong ng pinuno ng Kamara.
Samantala, tiniyak ni Speaker Romualdez sa publiko na ipagpapatuloy ng Kamara ang pagtutok sa mga pangangailangan sa sektor ng edukasyon, lalo na ang para sa mga mahihirap na komunidad.
“Kapag ang bata ay natuto nang maaga, hindi lang siya ang aangat. Pati pamilya niya, pati ang buong bayan. Iyan ang layunin natin—isang edukasyong abot-kamay para sa lahat,” pagtatapos ng Leyte solon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)