HUMIGIT-kumulang kalahating milyong pamilya ang apektado ng mga pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa bunsod ng mabigat na buhos ng ulan na dala ng habagat.
Sa ulat ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa Malacañang, sinabi ni Gatchalian na may 500 evacuation centers na nagsisilbing panuluyan ng mga pamilyang lubhang apektado ng pagbaha.
Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na 4,191 pamilya lang ang sumisilong sa mga government evacuation centers.
“Mayroon na tayong 490,418 na affected families kung saan 4,191 families ngayon ang nakatira sa iba’t bang evacuation centers natin,” wika ni Gatchalian.
Amiya, mahigpit ang bilin sa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking ligtas ang mga evacuees at mga apektadong pamilya. Bahagi rin umano ng tagubilin ng Pangulo tiyakin may sapat na pagkain at walang magugutom habang hindi pa nakakabalik ang mga nasalanta sa kani-kanilang mga tahanan.
Nasa 92,590 family food packs na umano ang naidispatsa ng DSWD simula pa noong bagyong Crising hanggang ngayon, kasabay ng garantiya ng tuloy-tuloy na pagpapakain sa mga typhoon at flood victims.
Pinaghahandaan na rin umano ng DSWD ang dalawang low pressure area na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa mga susunod na araw.
