PIHADONG paldo ang mga kasador sa sandaling matuloy ang pinanabikang “suntukan” sa pagitan ng hepe ng pambansang pulisya at alkalde ng Davao City.
Sa isang pulong-balitaan, tinanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III sa hamon ni Davao City Acting Mayor Baste Duterte para sa “palitan ng kamao.”
Sa isang episode ng “Basta Dabawenyo” podcast sa YouTube, pinukol ng patutsada ni Duterte si Torre na aniya’y nanghihiram ng tapang sa posisyon bilang director-general ng PNP..
Paandar ng alkalde, hindi uubra ang heneral kung sila’y magsusuntukan.
Tatlong araw makalipas ang hamon, positibong tinugon ni Torre ang hamon, pero may kondisyon — gawing charity boxing match ang suntukan para makalikom ng pondong gagamitin bilang donasyon sa mga nasalanta ng bagyo at habagat.
“Tamang-tama dahil marami ang nasalanta ng bagyo at baha. Maybe we can use this moment or this opportunity to raise fund in a charity boxing match. Para mabilis, this coming Sunday (July 27) sa Araneta… 12 rounds puwede. 12 rounds na suntukan para maganda at para medyo marami-rami ang ma-raise natin [pondo],” wika ni Torre. (EDWIN MORENO)
