Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HIGIT pa sa pilang karaniwang makikita sa tuwing may pelikulang patok sa takilya ang sumalubong sa unang araw ng Eastern Samar leg Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) na idinaos sa Leyte Provincial Sport Center sa Tacloban City.
Dahil sa daluyong ng mga mamamayan sa unang araw ng Eastern Visayas leg ng BPSF, mas kumbinsido ang pamunuan ng Kamara na higit na angkop buhusan ng sapat ng pondo sa ilalim ng 2025 national budget ang naturang programa para sa susunod na taon.
Sa kanyang talumpati, binigyan-diin ni House Speaker Martin Romualdez ang nagkakaisang hangarin ng mga kongresista na suportahan ang naturang programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa lider ng 300-plus strong House of Representatives, ang flagship public service program ng administrasyon ay malaking tulong upang direktang maihatid at mapakinabangan ng mga mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang serbisyo ng gobyerno.
Sa darating na Lunes, pormal na sisimulan ng Kamara ang pagbusisi nito sa P6.352-trillion na panukalang 2025 national budget kung saan nakapaloob ang paglalaan ng pondo sa mga programa at serbisyong pantulong sa mga tao.
Garantiya ni Romualdez, mas magiging masigasig ang Kamara sa pagbibigay katiyakan na ang mga mahahalagang bahagi ng BPSF, kabilang ang Kadiwa ng Pangulo, Passport on Wheels, Driver’s License registration/assistance, at maraming iba pa ay mayroong sapat na pondo.
“Araw-araw, gabi-gabi ay magta-trabaho ang inyong Kongreso para mapabilis at masiguro ang pagpasa ng budget para mas marami pa tayong matulungan sa ating mga kababayan. Ito ang Bagong Pilipinas, ito ang bagong Kongreso,” pahayag ng Leyte 1st Distrist lawmaker.
Tiniyak din niya na sa ipagpapatuloy ng pamahalaan ang serbisyo caravan sa buong bansa, na wala kahit isang rehiyon ang lalampasan.
“Nandito po kaming lahat at lilibutin natin ang buong Pilipinas at itutuloy po natin ito hanggang matapos ang buong Pilipinas,” wika ni Romualdez.
Muli rin niyang iginiit ang layunin ni Presidente Marcos na direktang mailapit sa taumbayan ang mga serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng BPSF.
“Hangarin po ng ating Pangulo na ibaba ang lahat ng mga programa ng gobyerno, lahat ng mga produkto, at lahat ng mga serbisyo sa taumbayan,” sabi pa niya.
“Kailangang ilapit natin lahat ng mga sangay ng gobyerno sa taumbayan. Kaya nandito po kami para siguraduhin happy kayo,” pahabol ng lider ng Kamara.
