ITINAAS na ang Signal No. 1 sa 27 lugar sa Luzon at Visayas matapos maglandfall ang Tropical Depression “Verbena” sa Surigao del Sur, ayon sa Pagasa nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat ng Pagasa, ala-1:30 ng hapon, ganap na tumama ang bagyong Verbena sa kalupaan sa baybayin ng Bayabas, Surigao del Sur — bitbit ang hanging may lakas na aabot sa 45 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 km/h. Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 25 km/h.
Batay sa state weather bureau cyclone bulletin kaninang alas 2:00 ng hapon, ang mga sumusunod na lugar ay nasa ilalim ng Signal No. 1 — hilagang bahagi ng Palawan (Araceli, Taytay, El Nido, Dumaran, Roxas, San Vicente), kasama ang Calamian, Cuyo, at Cagayancillo Islands; Mainland Masbate (Balud, Mandaon, Milagros, Cawayan, Placer, Pio V. Corpuz, Esperanza, Uson, City of Masbate, Mobo, Palanas, Aroroy, Cataingan, Baleno sa Luzon
Habang sa Visayas ay itinaas rin ang signal no. 1 sa Antique Aklan; Capiz; Iloilo; Guimaras; Negros Occidental; Negros Oriental; Siquijor; Cebu; Bohol; Samar; Eastern Samar; Biliran; Leyte; Southern Leyte; Mindanao; Dinagat Islands; Surigao del Norte; Surigao del Sur; Agusan del Norte; Agusan del Sur; Camiguin, at Misamis Oriental at hilagang bahagi ng Bukidnon (Baungon, Libona, Manolo Fortich, Sumilao, Impasug-ong, Lungsod ng Malaybalay, Malitbog, Cabanglasan).
Babala ng Pagasa, ang mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 makaranas ng bahagya hanggang katamtamang epekto ng malakas na hangin.
“It must be emphasized that heavy rainfall, severe winds, and storm surge may still be experienced in localities outside the landfall point and outside the forecast confidence cone,” ayon sa Pagasa.
“Furthermore, the track may still shift within the limit of the forecast confidence cone,” dagdag pa ng ahensya.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa Huwebes. (LILY REYES)
