TATLO katao ang binawian ng buhay matapos araruhin ng isang 10–wheeler dumptruck ang anim na sasakyan sa kahabaan ng Sumulong Highway sa lungsod ng Antipolo, lalawigan ng Rizal.
Sa impormasyong ibinahagi ng lokal na pulisya, Martes ng umaga nang maganap ang malagim na aksidente matapos mawalan umano ng preno ang 10-wheeler truck.
Kwento ng mga saksi, paakyat ang truck patungo sa isang mall para magdiskarga ng buhangin nang mahagip ang tatlong motorsiklo, dalawang kotse at isa pang truck bago tuluyang sumalpok sa poste sa gawing Barangay dela Paz.
Kabilang sa mga nasawi ang hindi pinangalanang driver ng 10-wheeler truck. Kalunos-lunos din ang sinapit ng motorcycle rider na natagpuan sa ilalim ng killer truck.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. (EDWIN MORENO)
