ANG patuloy na pagkaubos ng mga puno sa kabundukan ang nakikitang dahilan sa likod ng nakaambang mas mainit na panahon sa mga kontinente ng Africa at maging sa Southeast Asia, batay sa pag-aaral ng mga eksperto.
Sa ulat ng Agence France Presse, isang koponan ng mga eksperto – kabilang si Callum Smith ng University of Leeds, ang nagsabing higit na mabilis kumpara sa pagtataya ang epekto ng climate change sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ayon kay Smith, isa sa pangunahing dahilan ay ang kabiguan ng mga tao na pangalagaan ang mga kabugatan. Aniya, ang mas madalang na pag-ulan sa mga bansang malapit sa “equator” ay dulot ng pagkaubos ng puno.
Sa kanilang pag-aaral, pinakamatindi ang epekto sa Congo Basin kung saan 10% ang mababawas sa inaasahang “rainfall.”
“We could come to a point where the rainforests cannot sustain themselves,” saad sa isang bahagi ng pag-aaral na unang inilimbag sa ‘Journal Nature.’
Panawagan ng mga siyentipiko sa pangunguna ni Smith, ibalik ang sigla ng kagubatan sa paraan ng malawakang tree-planting sa mga kalbong kabundukan.
Sa Pilipinas, nangangamba naman ang mga magsasaka sa epekto ng pagpasok ng El Nino phenomenon na hudyat ng mas kaunting pag-ulan.
