
NIYANIG ng magnitude 5.9 na lindol ang Davao De Oro province nitong Martes ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Naramdaman ang pagyanig dakong 2:02 ng hapon sa lalim na 34 kilometro, sa epicenter na 13 kilometro hilagang-kanluran ng bayan ng Maragusan.
Sa pagyanig ng lupa sa katimugang rehiyon, nagbabala ang naturang ahensya sa anila’y aftershocks na posibleng magdulot ng pinsala.
Paglilinaw ng Phivolcs, magnitude 5.9 lang ang tumama sa Davao de Oro at hindi 6.3 tulad ng naunang ibinalita.
Dama naman ang Intensity 5 sa Maco, Maragusan, Nabunturan, New Bataan, at Pantukan sa Davao de Oro, habang Intensity 4 sa Monkayo, Davao de Oro; Tagum, Davao del Norte; at Bislig, Surigao del Sur.
Sapul din sa Intensity 3 lindol ang Santa Cruz, Davao del Sur; Lungsod ng Davao; Lungsod ng Mati, Davao Oriental; Intensity 2 – Lungsod ng Cagayan De Oro; Antipas, Carmen, at City of Kidapawan, Cotabato; Columbio, Sultan Kudarat; Intensity 1 sa Aleosan, Cotabato; Esperanza, Lutayan, at Pangulong Quirino, Sultan Kudarat.
Habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang naireport na pinsala o nasaktan.