Ni Lily Reyes
PATAY ang isang 16-anyos na binatilyo at sugatan naman ang dalawa pa makaraang bumagsak ang isang poste bunsod ng kawad na sumabit sa trak sa kahabaan ng Marcos Highway, sa lungsod ng Marikina.
Sa pahayag ni Dave David, Marikina Disaster Response chief, galing ng Antipolo ang trak na patungo sana sa Valenzuela City para mag deliver ng mga longspan roofing nang hindi sinasadyang sumabit at mahatak ang kawad ng telecommunication sa nasabing lugar, dakong alas 11:00 ng gabi noong Huwebes.
Sa lakas ng pwersa ng pagkakahatak, bumagsak ang nasabing poste, habang humapay naman ang tatlong iba pa.
Sa imbestigasyon ng pulisya, hindi na nagawa pang makaiwas ng isang 16-anyos na binatilyong nag-aabang ng jeep pauwi ang nabagsakan ng poste.
“Yung yero po makapal yun po ang nakita namin then sobrang bilis po ng takbo niya. Kung hindi naman po mabilis ang takbo noon at alalay lang po hindi naman matutumba yung mga poste. Nahatak po yung mga kable ng wire doon kaya nadala po yung mga poste po,” kwento ng isa sa mga nakaligtas na kaibigan ng nasawing binatilyo.
Sugatan din ang dalawa pang kasamahan ng biktima at agad isinugod sa ospital.
“Meron lang silang mga minor abrasion sa ulo sa braso okay na sila tinakbo natin sila sa amang memorial hospital,” ayon kay David.
Labis ang kalungkutan ni Erwin Canlas sa pagkamatay ng kanyang anak – “Kahit aksidente, buhay ng anak ko yon. Ang hirap mawalan ng anak sobra, grabe, napakabait ng bata na yon walang kabisyo-bisyo,” hinagpis ng ama.
Kwento ni Erwin, kasama ng kanyang anak ang ilang kaibigan na nagpunta sa Marikina riverbanks para mamasyal.
“Nagpaalam siya sa akin, ‘Dy, alis na ako’ …Eh nagmamadali. Yun pala yun na ang huling paalam niya sa akin,” dagdag pa ng amang nagdadalamhati.
Inayos na ang mga poste sa lugar pasado alas 3:00 Biyernes ng madaling-araw.
Nasa kustodiya na ng Marikina City Police Station Vehicular Traffic Investigation Unit ang truck driver na kinilala sa alyas “Bert” na tumangging magbigay ng pahayag.
Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries, and damage to property ang driver.