Ni Lily Reyes
ARESTADO ang dalawang babaeng Singaporean nang magtangkang magpuslit ng P76.1 milyon halaga ng cocaine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga suspek na sina Siti Aishah Awang, 63, at Nur Alavuyah Binti Hanaffe, 39, kapwa Singaporean national.
Sila ay dumating sa bansa mula Doha, Qatar sakay ng Qatar Airways Flight QR 928 nitong Huwebes ng umaga. Ang mga Singaporean national ay inaresto ng mga operatiba ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3 sa Pasay City bandang ala-1 ng madaling araw ng Huwebes.
Nasamsam sa operasyon ang nasa 14,360 gramo ng hinihinalang cocaine na may tinatayang karaniwang presyo ng gamot na PHP76,108,000 na nakatago sa isang bagahe.
Dinala sa PDEA Office ang mga naarestong suspek at ang mga nakuhang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (RA) o Comprehensive Drug Act of 2002 at RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act ang dalawang dayuhan.