NI LILY REYES
HINDI lahat ng tambay perwisyo. Ito marahil ang napagtanto ng dalawang biktima ng mga babaeng snatchers matapos tumugon sa tawag ng saklolo ang mga tambay sa Quezon City.
Kinilala ni Col. Glenn Silvio na tumatayong officer-in-charge ng Quezon City Police District (QCPD), ang mga suspek sa pangalang Cristina, Mary Ann ng San Jose del Monte (Bulacan) at Elizabeth ng Camarin, Caloocan City.
Ayon kay Lt. Col. Romil Avenido, Station Commander ng Batasan Police Station, dakong alas 6:45 ng umaga nitong Lunes (Hunyo 9), naghihintay ng dyip ang dalawang babaeng biktima sa kanto ng Don Fabian St. at Commonwealth Avenue nang tabihan ng mga suspek.
Nang matunugan ang maitim na balak ng mga suspek, agad na humingi ng saklolo ang biktima sa mga tambay na mabilis na hinabol hanggang sa masukol ang mga kawatan.
Tyempo naman nagpapatrolya ang mga pulis ng Sector 5 ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU) na pinamumunuan ni Lt. Col. Josef Geoffrey Lyndon Lim.
Narekober mula sa mga suspek ang isang Samsung Galaxy A06 at isang Oppo A15 na ninakaw sa mga biktima.
Sa datos ng pulisya, lumalabas na pawang may rekord ng pagnanakaw ang mga suspek.
