PATAY ang 24-anyos na helper, habang malubha namang nasugatan ang kanyang kaibigan matapos pagtulungan saksakin ng limang hindi pa nakikilalang kalalakihan sa harap ng isang kainan sa Quezon City.
Kinilala ang pinaslang sa alyas Sanorjo, helper at nakatira sa Kalye Kalapati, Barangay Holy Spirit habang patuloy naman inoobserbahan sa FEU-NRMF Medical Center si alyas Abordo, 28-anyos, technician, ng Blk. 2 Lot 6 Adarna Ext., Barangay Commonwealth, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 12:30 ng madaling araw noong Miyerkules (Hunyo 11), nang maganap ang insidente sa harap ng Hungry Silog Ni Bok eatery sa Republic Avenue na sakop ng Barangay Holy Spirit.
Batay sa imbestigasyon ni Sarhento Christian Loyola, dumating ang mga biktima kasama ang kaibigan na sina alyas “Dagom” at “Bello sa harap ng Hungry Silog Ni Bok sakay ng kani-kanilang mga motorsiklo para kumain.
Habang ipinaparada ni Abordo ang kanyang motorsiklo, binusinahan ito ng isa sa mga ‘di pa nakikilalang suspek na may kasamang dalawang lalaki na sakay din ng motor.
Dahil dito kinompronta ni Abordo ang suspek na agad namang naawat ng mga kasamahan ng una.
Umalis ang tatlong suspek kaya naman bumalik ang mga biktima at ang dalawa nilang kasama sa Silog Ni Bok para kumain.
Matapos kumain, paalis na sana sa lugar ang grupo ng mga biktima, nang biglang lapitan ng nakaalitan nilang suspek, kasama ang apat pang lalaki at sinaksak sa likod si Abordo.
Dahil dito, agad na sumugod si Sanorjo upang tulungan si Abordo pero agad din siyang pinagtulungang pagsasaksakin ng tatlo sa limang suspek saka tumakas sakay ng kani-kanilang mga motor.
Hindi umabot pang buhay sa pagamutan si Sanorjo.
Samantala, bagamat duguan nagawa pang imaneho ni Abordo ang kanyang motorsiklo at isinugod ang sarili sa parehong ospital. (LILY REYES)
