
TATLONG nakaparadang sasakyan ang nasira nang sumabog ang hinihinalang molotov bomb sa open parking area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, Sabado ng umaga.
Wala namang naiulat na nasaktan sa pagsabog.
Nasira ang mga sasakyan nang tamaan ng mga basag na salamin habang nakaparada.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group, sumabog ang molotov bomb dakong alas-9:35 ng umaga.
Nagsasagawa na rin ng clearing operations at seguridad sa lugar.
Tumulong na ang Southern Police District Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Pasay Police upang alamin kung sino ang nasa likod ng pagsabog.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Manila International Airport Authority hinggil sa insidente.