ISANG malawakang manhunt ang ikinasa ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)sa pitong kabarong di umano’y sangkot sa kabi-kabilang pagdukot na kalakip ng mga anti-illegal drugs operations.
Sa isang kalatas, ibinahagi ng PDEA ang sipi ng warrant of arrest na inilabas ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) para sa ikadarakip nina Vidal Bacolod, Efren Esteban, Xeres Angelo Galutera, Froilan Paasa, Renato Flores, Jan Alexis Mateo, at Alex Ramos na pawang nahaharap sa kasong kidnapping with ransom at serious illegal detention.
“This is to inform the public that the following individuals are no longer authorized to conduct anti-illegal drug operations or any transaction on behalf of PDEA due to their pending criminal and administrative cases for the non-bailable offense of alleged kidnapping for ransom and illegal detention,” saad sa anunsyong inilabas sa social media ng naturang ahensya.
Paglilinaw ng PDEA, nasa “active roster” ng ahensya ang mga suspek.
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan ng pamahalaan, kailangan pa ng 30 working days bago pa man maideklarang AWOL ang mga wanted na drug enforcement agents.
aktibo pa rin umano ang mga nasabing suspek subalit sumasailalim ang mga ito sa kasong administratibo para sa resolusyon. (LILY REYES)
