
HINDI nakalusot sa mapanuring operatiba ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang isang ambulansya ng lokal na pamahalaan ng Taguig sa pagpasok sa EDSA busway.
Sa kalatas ng Department of Transportation (DOTr), inisyuhan na umano ng citation ticket ang hindi pinangalang drayber ng Taguig Rescue matapos mapag-alamang walang pasyenteng sakay habang binabaybay ang northbound lane ng EDSA busway.
Lumalabas din sa isinagawang inspeksyon na walang dispatch order ang biyahe ng ambulansyang paspasan ang pagbaybay sa EDSA busway habang gamit ang nakatutulig na ingay ng sirena at nakakasilaw na blinkers.
Giit ng SAICT, pinapayagan sa EDSA busway ang mga ambulansya pero may kondisyon – dapat sakay ang pasyenteng pasok sa kategorya ng emergency case.