
MATAPOS ang biglang pagbisita ni Secretary Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), tuluyan nang ipinasara ng kagawaran ang isang bahay-ampunan sa Barangay Bagumbayan sa Quezon City.
Paliwanag ng DSWD, nilagdaan ni Gatchalian ang cease and desist order sa Gentle Hands Inc (GHI) batay sa isinagawang inspeksyon kamakailan ng Kalihim sa naturang pasilidad.
Ayon pa sa ahensya, santambak na paglabag ang nakita sa residential facilities para sa mga batang dapat sana’y inaaruga at hindi inilalagay sa peligro.
Partikular na tinukoy ng DSWD ang paglabag ng Gentlehand Inc. sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination).
Araw ng Sabado nang dayuhin ni Gatchalian ang private or[hanage facility na pinangangasiwaan ng Gentle Hands Inc. bunsod ng reklamong inihain sa kanyang tanggapan.
Nakatakda na rin anilang ilipat ang pangangalaga ng mga apektadong bata sa ibang kanlungan.