KUNG nasa balag ng alanganin ang kaligtasan, agad na dumulog sa pulisya.
Ito ang panawagan ni Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin sa mga politikong pakiramdam ay nasa peligro, matapos ang magkasunod na pananambang kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong at Aparri Vice Mayor Rommel Alameda.
Sa pagdalo sa ika-122 anibersaryo ng Manila Police District (MPD), nanawagan rin si Azurin na maging maingat at makipag-ugnayan sa lokal na pulisya.
Araw ng Biyernes nang tambangan ng mga armadong kalalakihan ang convoy ni Adiong sa bayan ng Maguing, Lanao del Sur kung saan patay ang apat na pulis na nakatalaga bilang close-in security ng punong lalawigan.
Batay sa pinakahuling pahayag ng PNP sa insidente sa Lanao del Sur, sinabi ng tagapagsalita ng pulisya na may linaw na nakikita ang imbestigasyon. Gayunpaman, tumanggi ang PNP na magbigay pa ng ibang detalye.
Linggo ng umaga naman nang tambangan ng mga armadong kalalakihan si Vice Mayor Alameda sa Bagabag, Nueva Vizcaya kung saan binawian ng buhay ang lokal na opisyal at apat na iba pang kasama sa sasakyan.
Kaninang umaga, natagpuan na rin ang sunog na sasakyang ginamit ng mga suspek sa likod ng pananambang kay Alameda – isang sasakyang Mitsubishi Adventure na may plakang SFN-713 na nakarehistro sa Cagayan PNP.
Kabilang ang pulitika sa tinitignan motibo sa likod ng dalawang insidente ng pananambang.
Karagdagang Balita
POGO SA CEBU BISTADO, CHINESE BOSS KALABOSO
LANDSLIDE PRONE: BARANGAY SA ALBAY, NO MAN’S LAND
CID GERVACIO, SUPORTADO NG 2 DATING KALIHIM