Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NAGBUNGA na ang ikinasang tugon ng pamahalaan sa rice inflation, ayon kay House speaker Martin Romualdez.
Katunayan pa aniya, ang dating P60 kada kilo sa merkado, pwede nang bilhin sa halagang P42 sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Sa paanyaya na rin ng Philippine Rice Industry Stakeholders’ Movement (PRISM) na itinuturing na pinakamalaking grupo ng rice traders, kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA), binisita ng lider ng Kamara ang Guadalupe Market sa Makati City, Farmers’ Market at Nepa Q-Mart, na kapwa sa Quezon City kanina.
“Nakita natin may 45 pesos kada kilo, meron ding 42 pesos for broken rice, yung well-milled P45. At yun talaga ang gusto nating makita, na pababa ng pababa (presyo ng bigas),” pahayag ni Romualdez.
“On behalf of the House of Representatives, we welcome this positive development. This is truly in line with the Marcos administration’s commitment to ensuring that food, particularly rice, remains affordable and accessible for all Filipinos,” dagdag pa niya.
Kumbinsido rin ang House Speaker na ang pagbaba sa presyo ng bigas ay resulta ng epektibong hakbang na isinagawa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa layuning gawing abot-kaya ang halaga ng mga pangunahing produktong pagkain, magkaroon ng matatag na suplay nito at maprotektahan ang mga mamimili sa price hike.
Tiwala si Romualdez na magtutuloy-tuloy na ang pagbaba na sa presyo ng bigas na aniya’y tugon ng gobyerno sa mabigat na pasanin sa pang-araw araw na gastusin ng mga pamilyang Pilipino lalo na ngayong papalapit na kapasukan.
Kasama ng Leyte solon sa market visits sina House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, ACT-CIS Partylist Rep. Edvic Yap, at House Committee on Agriculture and Food Chairman, Quezon 1st Dist. Rep. Mark Enverga.
Samantala, kinatigan ni PRISM co-founder Orly Manuntag ang pahayag ni Romualdez dahil ang pangunahing dahilan umano sa price-cut sa bigas ay ang ipinalabas na Executive Order No. 62 ni Pangulong Ferdinand Marcos na pagkaltas sa 15% mula sa dating 35% sa buwis na ipinapataw sa imported rice.
“Yung nakita po namin dito na factor, yung pagbaba po ng taripa from 35 percent to 15 percent. So natutuwa po yung mga retailers natin saka yung mga consumers natin,” sambit ni Manuntag.
