
KARIMARIMARIM ang paglalarawan ng mga residente sa Barangay Batasan Hills sa Quezon City matapos tumambad ang isang putol na binti sa likod ng isang pampublikong paaralan.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas 5:00 ng hapon nang matagpuan ang tsinap-chop na binti sa likod ng President Corazon Elementary School.
Ayon kay Police Corporal Erika Casupanan, abala ang foreman na si alias Espinar sa paggawa ng kanyang proyekto nang mapansin ang puting balde na may takip at selyado ng surgical tape, at may markang “ROMANO (L) FOOT”.
Nang buksan ang balde, dito na tumambad ang nakabendang kaliwang binti na may habang 49 sentimetro. Agad na inireport sa mga awtoridad ang insidente para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.
Mabilis naman rumesponde ang SOCO Team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni Police Captain Michael Jabel. Aniya, posibleng sadyang pinutol ang binti sa isang surgical operation sa hindi pa batid na pagamutan.
Gayunpaman, tiniyak ng QCPD na magpapatuloy ang pagsisiyasat sa naturang insidente. (LILY REYES)