SA isang pambihirang pagkakataon, isang lungsod sa Metro Manila ang nabangkarote dahil sa labis-labis na paggastos ng pondo.
Batay sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA), partikular na tinukoy ng state auditor ang P64.28-milyong fiscal deficit ng Marikina City para sa taong 2023.
Karaniwang nagkakaroon ng fiscal deficit ang isang local government unit kung gumagastos ng labis pa sa inaasahang papasok na kita. Ang resulta – kakulangan o pagkabaon sa utang.
Dahil sa fiscal deficit, apektado at limitado ang mga programa at serbisyo para sa mga mamamayan sa nasasakupan.
Sa kaso ng Marikina, ang fiscal deficit ay lumitaw matapos maikumpara ang mga inaasahang kita ng lungsod sa mga gastusin ng taon.
Ayon sa COA, nagkaroon ng “budgetary shortfall” ang Marikina matapos mabigong pataasin ang local revenue. Hindi rin umano naabot ang itinakdang target collection sa naturang taon.
Paglilinaw ng COA, hindi ito ang unang taon na may fiscal deficit ang Marikina – P379 milyon noong 2021, P415.4 milyon noong 2022, at P64.28 milyon noong 2023. Sa parehong taon, iniulat din na may kabuuang utang ang Marikina na umabot sa P3.6 bilyon.
