
KALABOSO ang kinahantungan ng apat na pulis matapos mabisto ang sabwatan sa likod ng bonggang nakawan sa isang establisyemento sa lungsod ng Meycauayan sa lalawigan ng Bulacan.
Sa isang kalatas ng punong himpilan ng pambansang pulisya, kinilala ang mga inarestong pulis na sina Cpl. Jayson Medallada ng Quezon City Police District, Staff Sgt. Mark Raian Vicente na kapwa nakatalaga sa Caloocan City Police Station, Cpl. Jayson Medallada, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD), at Pat. Reiniel Basilio, na dating nakatalaga sa Malabon City Police Station.
Sa imbestigasyon ng PNP, dakong alas 10:20 ng gabi noong Disyembre 28 nang dakmain ng mga kabaro ang mga suspek sa kahabaan ng El Camino Road, Barangay Perez matapos makatanggap ng tawag ang lokal na pulisya hinggil sa mga kahina-hinalang indibidwal na umaaligid sa isang establisyimento.
Nakuha ng mga pulis na rumesponde sa lugar sa mga suspek ang isang kalibre .45 pistola, apat na .9mm pistol, at nasa 23 gramo ng hinihinalang shabu.
Narekober din sa mga ito ang PNP identification card, siyam na mobile phone, tatlong motorsiklo, dalawang plaka ng motorsiklo ng Land Transportation Office (LTO), apat na helmet ng motorsiklo, iba’t ibang damit na may tatlong cap, at anim na bonnet.
Nasa kustodiya na ng Meycauayan Police Station ang mga suspek na nahaharap sa kasong administratibo para sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act.)
Sa isang pahayag, tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police na walang puwang ang mga anay sa hanay ng mga tagapagpatupad ng batas.