
WALANG kahirap-hirap na dinakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang police colonel na inasunto ng dating sekretarya.
Sa kalatas ng QCPD Anonas Police Station, dakong alas 12:00 ng tanghali nang damputin sa Barangay Fairview ang hindi pinangalanang PNP colonel sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong acts of lasciviousness na inihain ng isang non-uniformed personnel na dating nakatalaga sa kanyang opisina.
Matapos isilbi ang warrant, dinala ng mga pulis ang PNP colonel sa Anonas Police Station para sa “booking procedures.”
Batay sa impormasyong kalakip ng demanda, nangyari ang kahalayan noong Hunyo 2023 nang hawakan ng opisyal ang kanyang mga kamay, hita at pribadong bahagi habang siya ay nasa loob ng kotse ng PNP colonel.
Ayon sa biktima, galing sila sa meeting sa Maynila at pagkatapos ay pilit siyang pinasakay ng colonel sa sasakyan nito. Hindi naman umano makatanggi ang biktima dahil ‘boss’ umano niya ito.
Habang nasa sasakyan, sinabi ng biktima na hinawakan ng opisyal ang kanyang pribadong bahagi at niyaya pa itong pumunta sa isang motel na tinanggihan nito.
Bago makarating sa Camp Crame, sinabi ng biktima na hinawakan ng colonel ang kanyang hita at inalok siya ng P10,000 bilang allowance kapalit ng pagsang-ayon sa balak ng opisyal.