
MATINDING init na dala ng panahon ang nakikitang dahilan sa likod ng pagpanaw ng isang 55-anyos na construction worker sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group – Quezon City Police District (CIDU-QCPD), Miyerkules ng tanghali nang matagpuang wala ng buhay ang biktimang kinilala lang sa pangalang Tingzon.
Batay sa imbestigasyon ni Corporal Erika Casupanan, huling nakita ang biktima dakong ala 1:00 ng tanghali habang nagtatapal ng mga butas sa bubong ng tinutuluyang bahay sa Gajudo Compound sa Barangay Baesa ng nasabing lungsod.
Makalipas ang ilang minuto, napansin ng isang kaanak na huminto ang ingay sa bubungan ng bahay. Nang silipin, tumambad ang nakahandusay ang biktima.
Agad inireport ang insidente sa mga awtoridad at nagresponde ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni Capt. Darrell Ray Ebol at sa pagsusuri ay wala naman nakitang pinsala sa katawan ang biktima.
Hinila ng mga awtoridad na posibleng matinding init ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. Gayunman, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya. (LILY REYES)