MISTULANG deadma sa dating pulis ang pagdinig ng Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng viral video kung saan huli sa akto ang pananakit at pagkakasa ng baril sa isang siklista sa Quezon City noong Agosto 8.
Ayon kay LTO – National Capital Region (NCR) Acting Assistant Regional Director Hanzley Lim, tanging anak ni Wilfredo Gonzales ang nagpakita at nagsauli ng lisensya sa tanggapan ng nasabing ahensya.
“Mr. Gonzales did not submit an affidavit so we take it as a waiver on his part for us to decide on the matter based on the pieces of evidence we have,” pahayag ni Lim sa isang panayam kaugnay ng show-cause order.
Base sa show cause order na pirmado ni LTO-NCR Director Roque Verzosa III, binalaan si Gonzales laban sa hindi pagsipot sa naturang pagdinig ng ahensya.
Para kay Lim, pag-amin sa kanyang sala ang hindi paglutang ni Gonzales na nahaharap sa mahabang talaan ng paglabag sa batas trapiko, kabilang ang reckless driving, obstruction of traffic at improper person to operate a motor vehicle.
“With the absence of the notarized affidavit, these cases were already submitted for resolution and whatever the results, they will be submitted to the office of our LTO Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, for approval,” dagdag ni Lim.