NI LILY REYES
SA halip na pera, malamig na rehas ang kapit ngayon ng isang empleyado ng Quezon City Government matapos mahuli sa akto ng pangongotong sa isang negosyante.
Sa isang pahayag, kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pangingikil ng kanilang kawani, kapalit ng pag-aasikaso sa inaaplayang business permit.
“The Quezon City government strongly condemns any form of corruption, bribery, or extortion, especially if it directly or indirectly involves anyone connected with the city government,” saad sa pahayag ng lokal na pamahalaan.
“Such an action is unacceptable, goes against the values of integrity and public service, and will never be tolerated,” dagdag pa nito.
Bagamat nakikipag tulungan na ang lokal na pamahalaan sa Quezon City Police District (QCPD) para sa pagsasampa ng kaso, ibinahagi rin ni Belmonte ang isasagawang internal investigation para matukoy kung may iba pang kasabwat na empleyado.
Pinaalalahanan naman ang mga residente at negosyante ng lungsod na hindi na kailangan ng fixer dahil 100% online na ang proseso ng permit applications.
