PINUTAKTE ng kabi-kabilang demanda ang mga dating miyembro ng Philippine Marines Corps matapos kaladkarin sa kontrobersyal na ‘maleta’ ang mga prominenteng opisyales ng gobyerno.
Nitong Martes, Hunyo 9, muling nadagdagan ang cyberlibel case na kinakaharap ng mga ex-Marines, matapos pormal na maghain ng kaso sa Manila Prosecutors Office si Manila Rep. Benny Abante.
Bukod sa mga dating sundalo, kasama rin sa mga kinasuhan si Atty. Levito Baligod, at iba pang respondents kabilang sina Belnard Tube, Rosebert Waupan, Benny Bulontate, Johnny Buduan, Rodante Orbillo, Reyneboy Julian, Christopher Esquivel, George Villalon Jr., Romeo Rommel Bobares, Gil Navidad Jr., Anselmo Taberdo, Joely Cadiao, Rommel Galapon, Cecilio Larroder Jr., Bernard Gumban, Crisanie Dado, Fidel Corpuz at Walter Manalansan.
Damay rin sa inihang kaso ang WSI 864, ang radio station na pag-aari umano ng Swara Sug Media Corporation na nasa likod din ng SMNI, bunsod ng mga pinakalat na alegasyon ng grupo ni Baligod sa Facebook.
“The Respondents falsely insinuate that I (among others) received luggage containing cash from public funds. These allegations are entirely false, maliciously fabricated, and without any basis in fact or law,” ani Abante.
Unang nagsampa ng kahalintulad na kaso sina Manila Rep. Joel Chua, Batangas Rep. Gerville Luistro, Mamamayang Liberal (ML) partylist Rep. Leila de Lima na pawang inakusahan ng “18 Maleta Boys” na tumanggap ng maleta ng pera mula kay dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co.
Araw naman ng Lunes nang magsampa ng kaso si Sen. Erwin Tulfo sa grupo ng mga nagpakilalang mga ex-Marines matapos isama ang kanyang pangalan sa mga ‘benepisyaryo’ male-maleta ng pera.
Pinaratangan din ng mga ex-Marines si Tulfo ng human trafficking bunsod ng idineliver umanong babae sa kanya.
