KALAKIP ng mandato ng Senado ang kapangyarihan ikulong ang sinuman pinatawan ng contempt, ayon sa Pasay City Regional Trial Court matapos tablahin ang hirit na Writ of Habeas Corpus ng isang kontratistang dawit sa flood control scandal.
Sa desisyon ng Pasay RTC Branch 298, kinatigan ng korte ang pananatili ni Curlee Discaya sa Senate detention center.
Paliwanag ng husgado, walang basehan ang petisyon ni Discaya laban sa legislative body. Anang korte, naaayon sa Saligang Batas ang ipinamalas na kapangyarihan ng Senado kay Discaya na pinatawan ng contempt bunsod ng pagsisinungaling sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa usapin ng flood control scandal.
Partikular na ibinasura ng korte ang hirit na Discaya na paglaya dahil sa umano’y irregularidad sa Senado.
Setyembre 18 pa nakapiit sa senate detention center ang kontrobersyal na kontratista. (ESTONG REYES)
