ALITAN sa daan ang sinisilip na dahilan sa likod ng pag-araro umano ng isang UV Express sa 14 na sasakyan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District – Traffic Enforcement Unit, isa ang binawian ng buhay habang tatlong iba pa ang nasaktan matapos araruhin ng 51-anyos na suspek na kinilala sa pangalang Ruel dela Cerna ang 12 motorsiklo at dalawang kotse.
Kabilang naman sa sinisilip na motibo sa naturang insidente ang alitan na nakunan sa video na nagviral na sa social media.
Sa naturang kuha, nagpatuloy pa rin sa pagmamaneho ang suspek matapos makabangga. Bigo naman ang isang truck driver na pigilan ang pagtakas ng suspek na kalaunan ay nadakip ng mga rumespondeng pulis.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek na nahaharap sa patong-patong na kaso. (LILY REYES)
