HINDI lang aktibista ang pwedeng sumali sa mga kilos-protesta. Ito ang pinatunayan ng grupong Clergy for Good Governance na nagtipon-tipon sa harap ng Camp Crame bilang suporta kay dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III.
Sa isang liham Clergy for Good Governance, pinuri ng grupo ang anila’y katapatan at paninindigan ng heneral na sinibak matapos tumanggi pumirma sa isang dokumentong nagtutulak ng P8-billion procurement deal para sa 80,000 piraso ng assault rifle.
Ayon kay Rev. Fr. Robert Reyes na tumatayong convenor ng Clergy for Good Governance, hindi matatawaran ang ipinamalas na husay at tapang ni Torre nang personal na dakpin ang televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City at si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport noong buwan ng Marso.
Bukod sa suporta kay Torre, nanawagan din si Reyes sa sambayanan na tumugon sa panawagan ng Clergy for Good Governance para sa pagsisisi sa gitna ng mga isyu ng katiwalian.
Isinagawa ng Clergy for Good Governance ang kilos-protesta habang nakasuot ng sako, may abo sa mukha at kamay at nagdasal.
Hindi rin pinalampas ng mga pari ang pagkakataon tuligsain ang tinaguriang “nepo-babies” na ipinagmamalaki sa social media ang marangyang buhay na pinaniniwalaang mula sa katiwalian ng mga magulang na nanunungkulan sa pamahalaan.
Samantala, bigo naman si Fr. Reyes personal na dalhin kay Torre ang liham matapos tumanggi ang bantay ng kampo papasukin ang pari. (EDWIN MORENO)
