SA gigil ng mga raliyista sa mga kawatan sa likod ng sumambulat na katiwalian sa pamahalaan, napagdiskatahan ng mga aktibista ang mga pulis sa ginanap na kilos protesta sa Batasan, Quezon City.
Saulat ng Batasan Police Station, kabilang sa mga nasugatan sina Quezon City Police District (QCPD) acting director, Colonel Randy Glenn Silvio matapos pukulin ng putik at pintura ng mga lumahok sa kilos protesta sa entrada ng Kamara sa kahabaan ng IBP Road.
Bukod kay Silvio, hindi rin nakaligtas sa mga emosyonal na aktibista sina QCPD Deputy District Director for Administration Col. Joel Villanueva, Lt. Col. Rossel Cejas, Lt. Col. Romil Avenido, Lt. Col. Edgar Batoon, at Patrolman Cimiar Abastilla.
Sa imbestigasyon ni Sarhento Dizon Gorgonia ng QCPD Batasan Police Station, dakong alas 10:00 kaninang umaga nang magsimulang maging marahas ang mga miyembro ng mga militanteng grupo.
Sa pagtataya ng pulisya, hindi bababa sa 300 ang lumahok sa kilos protesta mula sa PLM, Kabataan Partylist, Selda, KMU-Courage, Panday Sining, Anakpawis, ACT Teachers, Bayan Muna, Sinag-Bayan, Gabriela, Migrante, Kalikasan, Kadamay, Piston at iba pa.
Nagdulot naman ng matinding trapik ang insidente.
Bagamat walang isinagawang pag-aresto, pinag-aaralan na ng pamunuan ng QCPD ang paghahain ng kaso laban sa mga militanteng organisasyon na bahagi ng kilos-protesta kaugnay ng daang-bilyong katiwalian sa likod ng mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways. (LILY REYES)
