SA halip na magsilbing ehemplo sa pagsunod sa batas, anim na pulis na walang driver’s license ang sinampolan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa isinagawang inspeksyon sa mga sasakyan sa loob ng Camp Crame sa Quezon City.
Ayon kay HPG Spokesperson Lt. Nadame Malamang, tiniketan ng mga operatiba ng HPG ang mga kabarong walang dala o walang maiprisintang rehistro ng minamanehong sasakyan.
May ilan din aniyang inisyuhan ng citation ticket bunsod ng maling paggamit ng official insignias na ikinabit sa pribadong sasakyan, partikular sa mga motorsiklo.
Sa datos ng HPG, 300 sa halos 500 sinuring sasakyan sa loob ng kampo ang nakitaan ng mga paglabag. Layon ng inspeksyon tiyakin ang pagtalima ng mga tagapagpatupad ng batas sa Republic Act 4136 na mas kilala sa tawag na Traffic Code. (LILY REYES)
