SUGATAN ang 34-anyos na call center agent makaraang laslasin ng sariling maybahay ang kanyang leeg sa loob ng tinutuluyang tahanan sa Novaliches, Quezon City.
Mabilis na dinakip ng mga rumespondeng operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Marivic Marimat Tajanlangit, 35-anyos at tubong Dumaguete.
Ayon kay Staff Sgt Germito Loria Jr. bandang 9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-asawa.
Pag-amin ng biktimang si Bryan Mente Tajanlangit nagkaroon sila ng pagtatalo ng suspek dahil sa kanyang paninita sa asawang magdamag nakipag-inuman kasama ang mga kaibigan sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Dito na nagdilim ang paningin ng lasing niyang asawa at mabilis na nilaslas ang kanyang leeg gamit ang isang gunting.
Mabilis naman nakatakbo ang biktima para humingi ng tulong sa barangay na nagdala sa kanya sa pagamutan.
Kasong frustrated murder ang isinampa laban sa suspek na nakapiit na ngayon sa QCPD Custodial Facility.