
ITINIGIL ng Land Transportation Office (LTO) ang proseso sa pagrerehistro ng mga de-bateryang sasakyan na pasok sa kategorya ng light electric vehicle (LEV) tulad ng e-trikes, e-scooters at e-bikes.
Sa isang kalatas, binigyang halaga ni LTO chief Vigor Mendoza ang pagrerebisa sa inilatag sa regulasyon para tiyakin walang butas ang panuntunan ng ahensya sa mga nagkalat na LEV sa mga lansangan sa Metro Manila at mga iba pang bahagi ng bansa.
Para kay Mendoza, hindi malinaw ang mga regulasyon para masabing ligtas sa kalsada ang mga nasabing sasakyan.
Ang kaligtasan aniya ng mga motorista ang pangunahing alalahanin ng ahensya – dahilan sa likod ng panibagong pagsusuri ng LTO.
Gayunpaman, nilinaw ni Mendoza na umiiral pa rin ang polisiya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagbabawal sa LEV na dumaan sa mga pangunahing kalsada sa National Capital Region, gayundin ang mga ordinansang pinagtibay ng mga konseho ng lokal na pamahalaan sa iba’t-ibang panig ng bansa.
“Hindi natin ginagalaw yun. That’s within their (MMDA/LGU) authority naman e na magtalaga ng mga polisiya sa paggamit ng kalye within their jurisdiction.”