DUMULOG sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) ang ilang abogado kasama pati dating manggagawa ng isang malaking kumpanya sa hangaring tiyakin ang ligtas na lugar ng trabaho.
Sa reklamong inihain ni Atty. Micah Lorelle De Guzman na kumakatawan para kay Aloha Marcelo, kanilang isinangguni sa kagawaran ang pagkakaroon ng ‘safe space’ sa ‘work environment’.
Partikular na idinulog ang umano’y paglabag sa ‘safe spaces act’ at ‘anti-sexual harassment act’ na paksa ng reklamong inihain sa National Prosecution Service laban sa isang mataas na opisyal ng food and beverages corporation.
Paglilinaw ni Atty. De Guzman, minabuti ng kampo ng nagrereklamo iwasan ang paghahain ng asunto sa lokal na piskalya para tiyakin hindi maimpluwensyahan inihaing reklamo.
Sa pagbisita sa DOJ, mismong ang Kalihim na ang umasiste sa kaso.
Habang binigyang-diin naman ng abogado na ang paghahain ng kaso ay hindi para sa ‘publisidad’ lamang kundi upang maitaguyod ang ligtas at patas na pagtrato sa mga kababaihan sa larangan ng pagtatrabaho. (JULIET PACOT)
