Larawan ni Itoh Son
KASABAY ng taunang pagdiriwang ng International Human Rights Day, nagsagawa ng magkakahiwalay na kilos-protesta ang iba’t ibang grupo sa Makati City at sa Lungsod ng Maynila.
Hirit ng mga demonstrador sa gobyerno, papanagutin ang abusado sa likod ng mga paglabag sa karapatang-pantao.
Sa Makati, nagtipon ang mga raliyista sa harap ng Embassy of the People’s Republic of China sa Gil Puyat Avenue.
Pinangunahan ito ng Filipinos Do Not Yield Movement at ng Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD).
Bitbit ng mga raliyista ang isang effigy ng barko ng China, at isang kabaong na kanilang inihagis sa harap ng embahada bilang simbolo ng pagkondena sa umano’y patuloy na panghaharas sa mga Pilipinong mangingisda at rescuer sa West Philippine Sea.
Nanawagan ang mga grupo na igalang ng China ang 2016 Arbitral Ruling at sundin ang United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS, at itigil ang agresibong pagkilos sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Samantala sa Maynila, nagtipon naman ang iba’t ibang sektor sa Mendiola Bridge.
Pinangunahan ang rally ng mga grupong Karapatan, Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, at ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates o PAHRA.
Dito, kinondena ng mga raliyista ang umano’y korapsyon, paghihirap ng mamamayan at patuloy na paglabag sa karapatang-pantao.
Umapela rin sila na papanagutin nina President Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, na anila’y bigo umanong tugunan ang kahirapan, pagtaas ng presyo ng bilihin, at mga isyu sa karapatan at soberenya ng bansa. (Juliet Pacot)
