LUBHANG ikinababahala ng TNVS Community Philippines ang Memorandum Circular ng LTFRB na nagbababa sa surge pricing cap ngayong holiday season.
Ang surge pricing o dynamic pricing na bahagi ng itinakdang regulatory guidelines para sa pamasahe ng TNVS ay nakabatay sa realidad ng ride-hailing kung saan pabago-bago ang demand, kondisyon ng trapiko, pick up distance at operating costs sa iba’t ibang oras.
Anang grupo, ang biglang pagbawas nito, lalo na ngayong nalalapit na Kapaskuhan, ay direktang tatama sa kita ng mga nasa kalsada, sa gitna ng matinding traffic at mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Ang surge fees ang isa sa mga mekanismong tumutulong panatilihing patas ang kita kapag mas mahirap at mas matagal ang biyahe.
Kapag binawasan ito sa panahon ng peak demand, mas maraming driver ang mapipilitang mag-offine sa high-demand hours dahil hindi na sulit ang oras, pagod, at gastos. Sa huli, mas mahihirapan din makakuha ng masasakyan ang mga commuters.
“Nakipagpulong ang LTFRB sa aming community patungkol dito at may nabanggit na may mga “compensatory adjustments” kabilang ang potensyal na dagdag sa pick-up fares. Nagtatanong lang kami: nasaan na po iyon,” saad sa oahayag ng grupo.
“Ang pagiging patas ay hindi lang dapat para sa commuter. Dapat patas din para sa drivers na araw-araw lumalaban sa kalsada,” dugtong nila.
“Handa kaming makipag-usap at makipagtulungan, pero sana ang anumang mga pagbabago sa pamasahe ay dumaan sa malinaw na konsultasyon at magbunga ng patas na solusyon para sa lahat.” (LILY REYES)
