NAKATAKDANG limitahan ng National Water Regulatory Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig na hinuhugot mula sa Angat Dam para sa mga negosyo at kabahayan sa National Capital Region (NCRPO) bunsod ng patuloy na pagbaba ang antas ng supply dala ng El Nino.
Bagamat una nang pinagbigyan ng NWRB ang kahilingan ng MWSS na panatilihin ang tubig na 52 cubic meters per second (cms) hanggang sa katapusan ng buwan, hindi naman anila nila planong palawigin pa ang mataas na alokasyon para sa naturang rehiyon.
Ang MWSS ay may concession deals sa Manila Water at Maynilad para sa east at west zones ng Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Nitong Lunes, iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang lebel ng tubig ng Angat Dam ay nasa 186.15, na isang pagbaba mula sa 186.55 noong Linggo.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., ito ay itinuturing na “normal operating level” ngunit nag-alala ang ahensya sa pagpasok ng El Niño sa mga darating na buwan.
“Sa ngayon, itong kasulukyang extension na pinaunlakan ng NWRB, patuloy ‘yong pagbaba ng lebel ng Angat Dam at [kung] walang masyadong pag-ulan na mararanasan tayo, sa tingin natin kailangan na natin i-control na ‘yong pagri-release para mapangalagaan ang pangangailangan natin hanggang sa susunod na taon,” paliwanag ni David sa public briefing.
“Kung patuloy magbaba, baka maalangan kung patuloy pa rin ‘yong 52 cubic meters per second na extension nila. Umaasa tayo medyo significant na pag-ulan ang mararanasan natin para hindi makaapekto sa pangangailangan,” dagdag ng opisyal.