
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KASUNOD ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong batas na nagpapataw ng mabigat na parusa sa mga agri-smugglers, binulaga naman ng mga kongresista ang Manila International Container Port (MICP) sa biglaang pagbisita ng mga kongresista sa container yard kung saan nakatengga ang nasa 800 overstaying containers na naglalaman ng 23 milyong kilo ng imported rice.
“We are here to send a clear message: rice hoarding, smuggling, and other illegal activities that threaten the accessibility and affordability of our staple grain will not be tolerated,” wika ni House Speaker Martin Romualdez.
Bukod kay Romualdez, kabilang sa mga kasama sa inspeksyon sa container yard sina House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, ACT-CIS Partylist Rep. Edvic Yap at mga opisyal ng Bureau of Customs kabilang si Commissioner Bienvenido Rubio.
Ayon sa Leyte lawmaker, ang mga ulat tungkol sa nakatenggang bigas ay nagdudulot ng pangamba ukol sa pagmamanipula ng suplay ng bigas upang pataasin ang presyo sa merkado at humahadlang sa layunin ng gobyerno na tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan.
Panawagan ni Romualdez sa mga importers, iwasan ang paggamit ng buong 30-araw na palugit bago ilabas ang kargamento kasabay ng giit na pasok na sa kategorya hoarding na kabilang sa target supilin ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
“Magtulungan na lang tayo imbes na mag-isip kayo na tataas yung profit ninyo at the expense ng ating consumers,” panawagan pa ni Romualdez.
Pag-amin ng lider ng Kamara, may mga reklamo tungkol sa kakulangan ng bigas sa mga nakaraang pagbisita sa mga palengke, gayung lumalabas sa inspeksyon na marami ang imported na bigas na mabibili.
Gayunpaman, tila may ilang importer diumano ang sinasamantala ang reglementary period bago ilabas ang kanilang mga stock, na isang taktika na nagdudulot sa pagtaas ng presyo sa pamilihan.
“Parang hoarding din ito pero ginagamit ang facilities ng gobyerno, dahil mas mura dito,” aniya.
Dagdag niya, ang Executive Order No. 62 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nag-uutos ng pagbawas sa taripa ng mga imported na bigas ay mawawalang kabuluhan kung hindi lalabas sa tamang oras ang mga kargamento.
Apela ni Romualdez, pabilisin ang paglabas ng mga container ng bigas kasabay ng babala sa mga indibidwal o grupong sangkot sa ilegal na pag-iimbak ng bigas.