WALANG panama ang rehas na bakal sa tikas ng pinaniniwalaang utak sa likod ng fake appointments sa gobyerno, ayon sa negosyanteng nadenggoy ng tumataginting na P260 milyon ng nagpakilalang Undersecretary sa lalim ng isang tanggapan sa Palasyo.
Dulog ng negosyanteng nakilala sa pangalang Marichu Ramos, sunod-sunod na ang kanyang natatanggap na tawag ng pananakot sa mga hindi kilalang mga tao.
Sa kanyang pagbisita sa National Bureau of Investigation (NBI) kamakailan, ikinuwento ni Ramos kung paano sila nagantso ng isang Edward Diokno Eje, na kamakailan lang at hindi sinasadyang naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Taguig City bunsod ng away-trapiko.
Aniya, taong 2019 nang mag-alok ng tulong si Eje – na nagpakilalang malapit kay Rep. Paolo Duterte, para sa nilalakad na ‘license to operate’ sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa operation ng ‘Bingo Blockout.’
Ayon kay Ramos, siya mismo ang nag-abot ng salapi – P160 milyong cash at tsekeng may halagang P100,000 – kay Eje at mga kasamang sina Johnson See, Chairman Anselmo Simeon. Ilang linggo ang lumipas, nakipagkita aniyang muli sina Eje at inabot ang ‘license to operate.’
Gayunpaman, nang beripikahin sa PCSO, napag-alamang peke ang binigay na dokumento ni Eje.
Matapos magsampa ng kaso, nagsimula na umano siyang makatanggap ng mga tawag at mensahe ng pananakot – bagay na idinulog niyang muli sa NBI na nangako namang imbestigahan ang sumbong ni Ramos.
Bukod kay Ramos, dinumog rin ng iba pang negosyante, artista at mga kilalang personalidad si Eje na inireklamo matapos umanong itakbo ang kanilang pera.
Gayunpaman, wala maski isa sa walong personalidad na nagbigay di umano ng P100,000 bawat kapalit ng inaasahang government appointment.