TANGGAL ang tikas ng isang police major matapos dakpin ng mga kabaro sa aktong pagtanggap ng suhol na kapalit ng pagbaklas ng pangalan ng mga negosyanteng di umano’y kasama sa drug watchlist ng Philippine National Police (PNP).
Kinilala ang arestadong suspek na si Police Major Orlyn Leyte, hepe ng Zamboanga Police Station 9. Dakip rin sa entrapment operation na ikinasa ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa Barangay Ayala, Zamboanga City ang apat na iba pang pulis na sina PSSg. Eugenio Salvador, PSSg. Asser Abdulkadim, PCpl Ismael Sasapan at PCpl Juman Arabani na pawang miyembro Station Drug Enforcement Unit.
Sa kalatas ng PNP, modus di umano ng grupo ni Leyte na tawagan ang mga negosyante sa nasasakupang “police jurisdiction” at hingan ng paliwanag kaugnay ng paglutang ng kanilang pangalan sa kalakalan ng droga. – at saka aalukin ng tulong para baklasin ang pangalan ng negosyante sa drug watchlist, kapalit ng malaking halaga.
Unang diga umano ni Leyte, P250,000, halagang tinawaran ng biktima hanggang sa pumayag ang mga suspek na ibaba hanggang P100,000. Nabawi ng mga operatiba ang P90,000 marked money na ginamit sa entrapment operation.
Agad na dinisarmahan ang mga suspek na nakapiit na sa Custodial Facility ng Zamboanga City Police Station.