ARESTADO ang dalawang Chinese national at dalawang kasamang Pinay sa kasong carnapping sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Sinabi sa police report na bandang alas-11:40 ng gabi nitong Linggo, Nobyembre 12 nang maispatan ng OIC ng Casiana Residences ang itim na BMW X-3, na iniulat na nawawala noon pang Nobyembre 2.
Agad pinahinto ng mga pulis ang sasakyan kaya’t hindi na nagawa pang makatakas ng apat na suspect na sakay nito.
Kinilala ang mga inaresto na sina alias Krizzia, businesswoman; alias Leavida; alias Xing, lalaking Chinese national at alias Huang, businessman, isa ring Chinese national.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883, o ang “New Anti-Carnapping Law” ang apat na suspect na nasa kustodiya ng Parañaque City Police Station.