
PAKAY ngayon ng isang malawakang manhunt operation ang may-ari ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na nakabase sa Pasay City matapos makapuslit habang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) noong Agosto 1 ng kasalukuyang taon.
Sa kalatas ng Department of Justice (DOJ), isang tracker team ang binuo – kabilang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration’s Fugitive Search Unit (FSU) para hanapin ang Chinese national na kabilang sa 27 inirekomendang sampahan ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
Pag-amin ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na tumatayong tagapagsalita ng departamento, araw ng Miyerkules nang makatanggap ang kagawaran ng ulat hinggil sa nawawalang Chinese national.
Sinalakay ng Philippine National Police ang tanggapan ng SA Rivendell Global Support sa panulukan ng mga kalye ng Zamora Gaitos sa paniwalang sangkot ang nasabing kumpanya sa mga online modus ng panloloko.
Ayon kay Clavano, wala pang malinaw na paliwanag kung paano nakapuslit ang hindi pinangalanang Chinese national mula sa gusaling aniya’y okupado at kontrolado ng mga kumpanyang pinaniniwalaang sanggot ng mga ilegal na aktibidades.
Agosto 1 nang pasukin ng PNP-Anti-Cybercrime Group ang SA Rivendell kung saan umabot sa 650 katao ang dinatnan ng mga operatiba. Sa naturang bilang, pinakamarami ang mga Pinoy, habang nasa 180 naman ang Chinese nationals.
Sinuspinde na rin ng Philippine Amusement and Gaming Corp ang operasyon ng naturang POGO firm.