
Ni Lily Reyes
KALABOSO ang 23-anyos na lalaki na sangkot sa illegal drag racing makaraang sagasaan ang pulis na aaresto sa kanya sa Quezon City, Huwebes ng madaling araw.
Nakilala ang suspek na si Carl Andre Perez, 23, nakatira sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.
Sa imestigasyon, bandang 2:10 ng madaling araw ng maispatan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Pasong Putik Proper Police Station 16, ang isang kulay dilaw na Honda Civic Sedan at isa pang kotseng sobra ang ingay dahil sa accelaration ng dalawang sasakyan.
Nabatid na inihahanda na pala ng suspek ang kanyang kotse para sa drag racing contest sa kanto ng Commonwealth at Mindanao Avenues, sa Brgy. Pasong Putik Proper, Novaliches.
Dito ay nilapitan ni Pat. Selvin Razon ang suspek upang sitahin pero agad na pinaharurot nito ang kanyang kotse at nasagasaan ang pulis.
Agad namang hinabol ng iba pang operatiba ang suspek pero hindi na nila ito naabutan pa.
Kinabukasan, bandang alas 9:15 ng umaga nang isuko ang suspek ng kanyang ama sa Brgy. Hall ng Kaligayahan, Novaliches, at doon inaresto ng mga pulis.
Nakuha naman ang sasakyang kulay dilaw na Honda Civic na may plakang WFD 616 sa San Mateo, Rizal.
Nahaharap sa kasong frustrated murder, resistance and disobedience to an agent or person in authority, alarm and scandal, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, sa ilalim ng Presidential Decree No. 1865 ang suspek.
Pinuri naman ni QCPD Director Brig. Gen. Redrico Maranan si Pat. Razon na ngayon ay nagpapagaling sa ospital dahil sa ipinakita nitong dedikasyon sa trabaho
“I urge our personnel to be cautious and vigilant at all times while responding to any incident. Sa ating mga QCitizens, maraming salamat sa patuloy na pakikipagtulungan sa ating kapulisan” pahayag ng QCPD chief.