
SA pangambang tuluyang mabura sa mapa ang nasa 21 barangay ng Malabon, inalmahan ng mga residente at iba’t-ibang environment groups ang isinasagawang pagtatambak ng lupa sa karagatang sakop ng nasabing lungsod.
Apela ni Job Valenzuela na tumatayong chairman ng People’s Welfare and Reforms for Social Advancement (PWERSA) sa pamahalaang lungsod, manindigan para sa kapakanan at kaligtasan ng mga taong nasasakupan.
Giit ni Valenzuela kay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, huwag hayaan malagay sa peligro ang buhay ng mga mamamayan sa 21 barangay na anila’y lulubog sa sandaling matapos ang naturang proyekto.
Inilarawan rin ng grupong PWERSA ang perwisyong idinulot ng kontrobersyal na dolomite beach na naging sanhi ng malawakang pagbaha sa lungsod ng Maynila.
“Ayaw namin matulad sa Maynila. Dahil sa dolomite project na yun, nakita naman natin ang resulta di ba? Sana naman huwag pahintulutan ng Malabon City government ang lantarang pagsira sa kalikasan sa ngalan ng kaunlaran.”
Bukod sa mga miyembro ng PWERSA, kabilang rin sa mga lumahok ang iba’t ibang sektor – mag-aaral, senior citizen, kabataan, kababaihan, transportasyon at iba pang mga grupong may agam-agam sa kahihinatnan ng Malabon.
Para kay Valenzuela, walang saysay ang ibinibidang kaunlaran kung lulubog naman aniya ang 21 pamayanan.
“Sana naman, maski kinabukasan ng mga kabataan na lang ang kanilang isinaalang-alang.”