HINDI na nagawa pang hintayin ng kontrobersyal na kontratista sa likod ng ghost flood control projects ang paglabas ng mandamiento de arresto mula sa husgado.
Sa isang kalatas, kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ginawang pagsuko ni Sarah Discaya, matapos maglabas ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dakpin at ikulong lahat ng sangkot sa flood control scandal bago sumapit ang araw ng Pasko.
Bukod kay Discaya, kusang-loob din sumuko sa Pasig City Police Station si Ma. Roma Angeline Rimando, executive officer ng St. Timothy Construction na pag-aari ni mag-asawang kontratista.
Ayon kay Atty. Cornelio Samaniego na tumatayong abogado ni Rimando, layon ng akusado linisin ang pangalan sa pinakamalaking eskandalo sa pondo ng gobyerno sa nakalipas na kalahating dekada.
Katunayan aniya, personal na nagtungo si Rimando sa himpilan ng lokal na pulisya para sumuko kay Pasig City Police chief Col. Hendrix Mangaldan.
Kalakip ng paglutang sa himpilan ng pulisya, isinuko na rin umano ni Rimando ang kanyang pasaporte para bilang patunay na wala siyang planong takasan ang kaso.
Nananatili sa kustodiya ng Pasig Police si Rimando na kabilang sa mga sinasabing sangkot sa P96.5-million flood control project sa Davao Occidental. (JULIET PACOT/ EDWIN MORENO)
