MATAPOS ang 40 taon, ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pagkumpiska ng nasa 200 ari-arian at iba pang |investments” ni former Muntinlupa Mayor Maximino Argana.
Ayon sa Sandiganbayan Third Division, labis-labis umano ang tinamasang yaman ng dating alkalde kumpara sa pinagsama-samang kita ng buong pamilya sa panunungkulan ni Argana bilang mayor mula 1964 hanggang 1967 — at mula 1972 hanggang sa pagpanaw noong 1985.
Ibinasura rin ng Sandiganbayan ang hirit ng pamilya Argana kaugnay ng kaso ng ill-gotten wealth.
Giit ng mga tagapagmana, wala umanong ebidensyang iligal ang yaman, kasabay ng hirit na hindi lang sweldo sa trabaho ang pinagkukunan ng kita ng pamilya.
Gayunpaman, nanindigan ang Sandiganbayan na bigo ang pamilya Argana magpakita ng sapat na patunay na legal na pagbili ng mga ari-arian.
Hindi umano kayang ipaliwanag ng pinagsamang kita ni Argana at ng kanyang asawa ang pagkuha ng mahigit 200 properties na aabot umano sa halos 700% ng pinagsamang kita.
